Beteranong Sundalo, binigyang parangal sa Paggunita sa Capas 2017

CAPAS, Tarlac – Taas-noong tumanggap ng parangal at pagkilala ang ilang beteranong sundalo na naging bahagi ng 1942 Death March.

Ang Paggunita sa Capas ay isa sa bahagi ng taunang Philippine Veterans Week na nagsisilbing selebrasyon ng kasarinlan at pasasalamat para sa kagitingan ng mga sundalong lumaban para sa bayan.

Pinangunahan ni House Committee on Veterans Affairs and Welfare Chairperson Leopoldo Bataoil ang paggawad ng medalyon, plake at sertipiko ng pagkilala kina 2Lt. Pedro Sinajon, Lt.Col. Iluminado Vallejo Sr., Col. Carlos Datu Sr..

Maging kina Pvt. Anacleto Galarpe, Pvt. Gaudencio Zamora, Sgt. Julian Saavedra, Pvt. Donata Gatmaitan, Sgt. Cornelio Tolentino, Cpl. Florentina Cava, Pvt. Teodoro De Guzman, Vet. Leonila Layug, Pvt. Onofre Bugay, 2Lt. Nestorio Ceniza, Pvt. Jovita David, Pvt. Pedro Onza, 1Lt. Desiderio Mora, Pfc. Alejandro Razon, Sgt. Salvador Tabile at Ssg. Numeriano Manglicmot.

Sa isang panayam, sinabi ni Tabile na lubos ang kanilang pagkagalak at pasasalamat sa parangal na iginawad sa kanila.

Nagpapasalamat aniya siya dahil patuloy na nililingon ng mga tao ang nagawa ng mga beterano para sa Kalayaan ng Pilipinas.

Ibinahagi rin ni Galarpe ang kanyang lubos na pasasalamat para sa pagbabalik-tanaw at pagkilala sa mga beteranong nakiisa at nagsakripisyo noong panahon ng digmaan.

Batid niya ang kahalagahan ng pagtitiwala, pag-asa at pagmamahal sa bayan na siyang dapat mabigyang-diin sa mga kabataan.(CLJD/CJVF-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *