Naranasan mo na bang mawalan ng koneksyon sa internet dahil nawalan ng kuryente sa kasagsagan ng hagupit ng bagyo? O naabutan ka na ba ng sitwasyong maputol ang linya ng telepono at mawala ang signal ng iyong cellphone, gaano man ito kamoderno, dahil sa lindol?
Ipinakilala ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, sa tulong ng Rappler, ang FireChat na susubukang gamitin sa panahon ng mga kalamidad at sakuna.
Ang FireChat ay isang Disaster-Proof Mobile Messaging App na ipinakilala sa Pilipinas noong Marso 2014 para sa mga may IPhone na kalaunan ay nagamit na ito ng mga naka-Android.
Sinuman ay maaring magkaroon dahil libreng maida-download sa pamamagitan App Store at Google Play.
I-download lamang ang FireChat at mag-sign up. buksan ang Bluetooth at Wifi sa panahon na may internet connection, pero pwede ring wala kung bagsak ang signal.
Gumagana ang FireChat sa pamamagitan ng built-in radios sa mga naka-smartphones at nakakapag-connect na sa mga devices na may FireChat.
Nagagawa ng FireChat na gumana kahit walang signal dahil nasa 1,000mW o 5000m ang LTE Direct nito, 802.11s ang lulan na Wifi, 350mW o 1000m ang AirDrop at may baon na 50mW o 1000m na Bluetooth.
Sa ngayon, pwedeng makipag-connect ang may FireChat sa 30 hanggang 50 na kapwa may FireChat.
Pwede naman itong mapalawig depende sa layo ng ibang ka-FireChat.
Ang mga mensahe ay nag-hop-hop-hop hanggang dumating sa gustong padalahan.
Ipinaliwanag ni Marielle Serafica, social media producer ng Rappler, na sakaling dumating na ang aktuwal na sakuna o kalamidad na bagsak lahat ng linya ng komunikasyon, magagamit ang FireChat sa paraang tiyak makakatanggap ng encrypted private messages sa ibang gumagamit basta’t lalagyan ng Hashtags.
Ang ibig sabihin ng Hashtag ay ‘bukambibig’ na nagte-trending sa panlasa ng mga gumagamit ng social media networking sites.
Halimbawa, kung ka-FireChat ng isang karaniwang may FireChat ang MMDA, regular itong makakakuha ng impormasyon sa panahon ng kalamidad o sakuna kahit walang kuryente o walang internet at kahit walang signal ang cellular phone.
Pwede ring makasalit sa ‘Chatroom’ ng mga institusyon ng media na may FireChat gaya ng Rappler na maaring magtanong, magbigay ng suhestiyon o magpahayag ng opinyon.
Ayon naman kay MMDA Chair Emerson Carlos, noong una, hindi nakikita o napapansin ng MMDA ang malaking papel ng social media sa panahon ng sakuna.
“Pero nang humagupit ang Habagat noong 2012, nakita ng MMDA ang halaga ng social media gaya ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa. Dahil ito lamang ang nakakapag-ulat, real time, ng mga sitwasyon at agad na naaksiyon nang hindi na naghihintay pa ng media coverage. Kaya ang MMDA ay pormal na nakipagkasunduan sa Rappler, bilang news website ng bansa, para matuto tayong lahat na gumamit ng social media para sa ating kaligtasin,” aniya.
Kaugnay nito, susubukan din ang operasyon ng FireChat sa Hunyo 22 kung kailan isasagawa ang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill para makita ang kahandaan at mga dapat pang paghandaan sakaling tumama ang 7.2 Magnitude na lindol o kilala bilang ‘The Big One’, sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.
Gagamitin ang FireChat sa pag-uulat ng mga real-time na senaryo gaya ng paghinto ng mga tren ng MRT at LRT, kunwaring pagbagsak ng tulay sa EDSA-Guadalupe, pagtupok ng sunog sa mga kabahayang kunwaring nabagsakan ng live wire na kuryente at iba pang inaasahan at hindi inaasahang senaryo kung may lindol.
Samantala, nagtakda naman ng mga partikular na Hashtags ang MMDA sa tulong ng Rappler upang hindi maligaw ang impormasyon na ipapadala sa FireChat at iba pang social media, para maaksiyunan kaagad.
Halimbawa, kung magpapadala ng mga detalye sa mga sitwasyon sa gagawing Earthquake Drill sa Metro Manila, gamitin ang #MMShakeDrill.
Para naman sa mga gagawing Earthquake Drill sa iba’t ibang panig ng bansa, ang #Pagyanig ang dapat gamitin.
Bukod sa mga Earthquake Drills, may mga Hashtags naman na dapat lamang gamitin kung may baha, #FloodPH; kung nais ng agarang saklolo o rescue, #RescuePH; para sa ulat sa mga nangyayari sa mga evacuation centers, nandiyan ang #ReliefPH; kung may mga nasirang kalsada, landslides o bumagsak na tulay, may #OpenRoads; kung nawala ang suplay ng kuryente at para maipaabot sa kinauukulan, may #NoPower gayundin kung naputol ang suplay ng tubig, may #NoWater.
Binigyang diin naman ni Serafica na ang ganitong mga yunipormeng mga #Hashtags ang direktang makakatulong para makasagip ng mga pinaka nangangailangan.
“Sa mga aktuwal na kalamidad at sakuna, asahan ninyong babaha ng daang libo o milyong mga messages. Pero kung naka Hashtag ka ayon sa ibinigay na standards, madali kang mata-track at mapa-prioritized,” aniya.
Ang sistema, ang mga naturang pag-uulat na gagamitan ng Hashtags, na padadaanin sa pamamagitan ng Firechat, ay maiipon at mababasa sa Project Agos na isa pang Mobile App na gagamitin sa Hunyo 22 bilang “Online Humanitarian” Center./CLJD/Shane F. Velasco-PIA 3
