Isa pang C-130 Cargo Plane mula US, dadating ngayong Setyembre

CLARK AIR BASE, Pampanga – Lalapag na ngayong Setyembre ang isa pang C-130T Cargo Plane mula Estados Unidos na binili ng pamahalaan para sa Philippine Air Force o PAF.

Sa pagdiriwang ng ika-69 taon ng PAF nitong Martes, iprinisinta kay Pangulong Rodrigo R. Duterte ang unang naideliber sa pamamagitan ng isang fly-by na may back-up pang dalawang bagong C-295 Medium Lift Aircraft na nabili sa Espanya.

Dalawang C-130T Cargo Plane ang nabili sa halagang 55 milyong dolyar o katumbas ng 1.2 bilyong piso.

Sa halagang ito, 35 milyong dolyar ang sinagot ng pamahalaan ng Amerika.

Nabili ito nang murang mura sa ilalim ng Excess Defense Articles program ng Amerika.

Ang Pilipinas, bilang Major non-NATO o North Atlantic Treaty Organization ally ng Amerika mula pa noong 2003, ay kabilang sa mga prayoridad ng nasabing bansa sa military hardware at supply access.

Ayon kay Col. Araus Robert Musico, direktor ng Public Information Office ng PAF, dati itong tanker plane ng Estados Unidos bago na-reconfigure bilang cargo plane.

Ang C-130 ang siyang pinakamalaking eroplanong ginagamit ng PAF lalo na sa pagpapadala ng mga tropa sa mga lugar na may banta ng seguridad, partikular na sa Mindanao.

Ito rin ang agaran na naglilipad ng mga kargamentong may lamang mga pagkain, tubig at iba pang kagamitan sa mga relief operations tuwing may kalamidad.

Nagiging sagisag din ang C-130 ng aktibong pakikiisa ng Pilipinas sa tuwing nagpapadala ng tropa sa ibang bansa bilang mga peacekeeper.

Iba pa rito ang agarang responde upang mailikas ang mga Pilipinong nasa mga bansang may kaguluhan./CLJD/SFV-PIA 3

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *