LUNGSOD NG MALOLOS – Nakakasa na ang buong plano upang simulan ang konstruksyon ng pagpapahaba ng North Luzon Expressway o NLEX hanggang sa Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon kasunod ng paglalaan ng pitong bilyong piso ng Manila North Tollways Corporation o MNTC.
Ayon kay MNTC President Rodrigo Franco, may habang anim na kilometro na may apat na linyang kalsada ang ilalatag mula sa Mindanao Avenue exit hanggang sa bukana ng Commonwealth Avenue at Luzon Avenue.
Isa itong new road network na magiging alternative route para hindi matrapik sa Mindanao Avenue, Congressional Avenue, Luzon Avenue at hindi na maipit sa Elliptical Road sa may Quezon Memorial Circle.
Tiniyak ng MNTC na anumang oras ay sisimulan na ang proyekto basta’t makumpleto ng Department of Public Works and Highways ang pagbili ng road-right of way.
Gagawin ng MNTC ang pagpapahabang ito sa loob ng isang taon at kalahati.
Bukod sa NLEX Commonwealth Avenue extension, tinatapos na ng MNTC ang NLEX-North Harbor Link na kamakailan ay binuksan na ang bukana nito sa may MacArthur highway bandang Karuhatan, Valenzuela.
Inaasahang maikakabit na ang NLEX sa Manila North Harbor sa kalagitnaan ng 2017. (CLJD/SFV-PIA 3)
