Ang Santa Claus ng Tarlac

Ang buhay ng isang natatanging Tarlaqueño, Alberto “Batik” Sebastian ng Brgy. Paraiso, ay natunghayan noong Sabado ng gabi sa Magpakailanman ng GMA7.

Ginampanan ng komedyanteng si Tekla ang papel bilang Batik, ang Santa Claus ng Tarlac City.

“Masayang-masaya ako sa pagpapaligaya ng tao,” ani Batik tuwing siya ay tatanungin kung bakit ito matyagang umiikot at kumukolekta ng kalakal, upang ang kita ay ipambibili ng mga regalo para sa mga bata tuwing Pasko.

Madalas siyang makita sa Belen ng Camp Servillano Aquino sa Barangay San Miguel tuwing panahon ng Kapaskuhan na suot ang Santa Claus costume. Pinapaunlakan ang mga gustong kumuha ng larawan at namimigay ng regalo sa mga batang nagmamano dito.

Pinahalagahan ni Mayor Cristy Angeles ang pagsisikap ni Batik dahil sa nakita nitong kasipagan at pagmamalasakit lalo na sa kalinisan ng kapaligiran kaya naman naging kasama na ito ng mga kawani ng Tarlac City Environment and Natural Resources Office (CENRO).

“Malaking tulong din si Batik sa information campaign. Gamit ang bisikleta na may sariling amplifier, iniikot niya ang iba’t-ibang pangunahing lansangan sa lungsod upang paalalahanan ang mga mamamayan mula sa kanyang sariling recording na iwasan ang pagkakalat at magtapon sa tamang basurahan,” pahayag ng pamunuan ng CENRO.

Ang kwento ng buhay ni Batik ay isang inspirasyon sa pagpapasaya sa mga Tarlaqueño sa kabila ng mga pagsubok at hirap./@Tarlac.CIO

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *