Nueva Ecija, susubuking maging Buffalo Dairy Capital ng bansa

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ – Ipinahayag ng Philippine Carabao Center o PCC na susubukin ng Nueva Ecija na makilala bilang Buffalo Dairy Capital ng bansa.

Ayon kay PCC Acting Executive Director Arnel Del Barrio, ngayong taon lamang ay kakayaning maabot ng lalawigan ang 1.5-Milyong Litro na produksyon sa gatas ng kalabaw samantalang susubuking abutin ang dalawang milyong litrong produksyon sa susunod na dalawang taon.

Base sa tala ng PCC , simula taong 2013 hanggang 2015 ay nasa 7.2-Milyong litrong gatas ng kalabaw ang nagawa ng bansa.

Ipinahayag din ni Del Barrio na kabilang pa din sa mandato ng tanggapan na mapanatiling sapat at marami ang suplay ng gatas ng kalabaw sa bansa mula sa pagtulong sa mga lokal na magsasaka.

Kaugnay nito ay nagpahayag ng suporta ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng panunumbalik ng mga isinasagawang feeding program kasama ang libreng pagpapainom ng gatas ng kalabaw sa mga kabataang mag-aaral.

Ayon kay Allan Ponce, Senior Consultant at Program Adviser ng pamahalaang panlalawigan, kabilang sa nais tutukan ni Governor Czarina Umali ay ang produksyon ng dairy dahil sa nakikitang maiaambag sa industriya ng pagnenegosyo mula paggawa ng mga produktong gaya ng gatas, keso, yogurt at marami pang iba. (CLJD/CCN-PIA 3)

You May Also Like

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *